Skip to content
Back to Homilies
PAY IT FORWARD: BUKAS-PALAD NA PAGPAPATAWAD AT PAGTULONG

Homily Highlights | September 13, 2026 | Ika-24 na Linggo sa Karaniwang Panahon

"Anumang tinanggap natin sa Diyos na biyaya, ibahagi natin sa kapwa. Kung pinatawad ka ng Diyos, magpatawad ka rin."

Ang Pagpapatawad: Isang Biyayang Dapat Ibahagi

Noong nakaraang Linggo, ang tema ng Ebanghelyo ay tungkol sa Fraternal Correction—bagay na gusto nating gawin ngunit ayaw nating tanggapin. Ngayong Linggo, ang tema naman ay ang pagpapatawad: isang turo na gusto nating tanggapin ngunit madalas ay nahihirapan tayong ibigay o gawin sa ating kapwa.

Sa Unang Pagbasa mula kay Sirach, ipinaalala na patawarin ang kapwa upang patawarin ka rin ng Panginoon. Mahabag ka at kahahabagan ka ng Panginoon. Ang prinsipyo sa buhay-Kristiyano ay payak: Anumang biyaya at awang tinanggap natin mula sa Diyos, nararapat lamang na ibahagi natin sa ating kapwa.

Ang Talinghaga ng Dalawang Lingkod

Sa Ebanghelyo, isinalaysay ang tungkol sa isang Hari na nagpatawad sa kanyang lingkod na may malaking utang na 10 milyong piso. Ngunit ang lingkod na ito, nang makalabas, ay ayaw patawarin ang kanyang kapwa lingkod na may utang sa kanya na 500 piso lamang. Dahil dito, nagalit ang Hari nang malaman ang kanyang ginawa at ipinakulong siya hanggang sa mabayaran niya ang lahat ng kanyang utang.

Ang pinakamagandang magagawa natin ay magpatawad. Kung tunay tayong nagagalak sa biyayang ating tinanggap mula sa Diyos, kailangan natin itong ibahagi. Hindi tayo dapat humingi ng biyaya kung hindi natin ito kayang ibahagi sa iba.

Pay It Forward: Ibalik at Ipasa ang Kabutihan

Inaanyayahan tayo na isabuhay ang prinsipyong "Pay It Forward":

Sa mga Magulang at Anak: Kung naging mabuti ang magulang mo sa iyo, maging mabuti ka ring magulang sa iyong mga anak.

Sa mga Guro at Estudyante: Masarap sa pakiramdam ng mga guro na makitang umasenso at naging matagumpay ang kanilang mga naging estudyante.

Sa mga Pari at Bokasyon: May mga pari na pinag-aral ng ibang tao, kaya't ngayon ay tumutulong din sila sa mga kapos-palad na seminarista.

Ibalik at ipasa natin ang kabutihang tinanggap natin kahit sa tatlong tao, at sila man ay gagawa rin ng kabutihan sa iba. Sa pamamagitan nito, kindness will spread at mas marami ang matutulungan.

Pagninilay at Pagpapala

Hindi natin kailanman matutumbasan ang napakaraming biyayang ibinibigay sa atin ng Diyos. Kaya naman, ibahagi natin ito sa ating kapwa bilang isang regalo at tanda ng ating pasasalamat.