YAKAPIN ANG PAG-IBIG, YAKAPIN ANG PAGPAPATAWAD
Rev. Fr. Abraham SP. Pantig, Parish Priest
Homily Highlights | Setyembre 13, 2026 | Ika-24 na Linggo sa Karaniwang Panahon
“Ang nais ituro ni Hesus sa atin ay ang pagganti ng pag-ibig at pagpapatawad. Siya mismo ang unang nagpakita sa atin nito. Sa kabila ng lahat ng masamang ginawa sa kaniya, hanggang sa krus, pinili pa rin niyang magpatawad."
Ang mga pagbasa ngayong Linggo ay tumutukoy sa isang turo ni Hesus na para sa marami ay mahirap gawin subalit hindi imposible: ang pagpapatawad.
Bakit nga ba palagi nating sinasabi o naririnig na kailangan tayong magpatawad?
Dahil ang Diyos ang unang nagpatawad sa atin. Dapat din tayong magpatawad sa isa’t isa.
Dahil ang Diyos ang unang nagmahal sa atin. Dapat din tayong magmahal sa isa’t isa.
Dahil walang sinumang tao ang nabubuhay para sa kanyang sarili lamang. Tayong lahat ay may pananagutan sa isa’t isa.
Ang Kwento ng Hari at ng Kanyang Ina
Makikita natin ito sa isang kwento ng isang napakabait at makatarungang hari. Isang araw, nalaman niyang may nagnanakaw sa kaban ng kanyang kayamanan. Ipinag-utos niya na ang magnanakaw ay parurusahan ng sampung hagupit ng latigo, na kalaunan ay ginawa niyang apatnapung hagupit dahil nagpatuloy ang pagnanakaw.
Nang matuklasan ang magnanakaw, nalaman ng hari na ito ay ang kanya mismong sariling ina. Bagamat nalungkot, sinabi ng hari na kailangang ipatupad ang batas. Ngunit bago ilapat ang paghagupit, lumapit ang hari sa likod ng kanyang ina, niyakap ito nang mahigpit, at saka iniutos na hagupitin siya. Inako ng hari ang parusa at kasalanan ng kanyang ina—isang kahanga-hangang pagpapakita ng pagmamahal at pagpapatawad.
Walang Hanggang Pagpapatawad
Kung tatanungin tayo ni Hesus kung gaano niya tayo kamahal, ang sasabihin niya: "Yayakapin ko ang krus hanggang kamatayan para sa iyong kaligtasan."
Nang tanungin ni Pedro si Hesus kung ilang beses siyang dapat magpatawad sa kapatid na nagkakasala sa kanya—kung pitong beses ba—tumugon si Hesus na hindi pitong beses lamang, kundi pitumpung beses pa nito. Ibig sabihin, walang hanggan. Hindi nagbibilang ang Diyos sa Kanyang pagpapatawad.
Minsan, ang pinakamahirap patawarin ay ang ating sarili. Nagiging alipin tayo ng katigasan ng ating mga puso. Ngunit ang pag-ibig at pagpapatawad ang solusyong ibinibigay ng Diyos upang makalaya tayo sa pagka-alipin ng galit at hinanakit sa ating kapwa.
Pagninilay at Pagpapala
Mga kapatid, sa ating pagsimba ngayong Linggo, yakapin natin ang Mabuting Balita ng Panginoon. Yakapin natin ang Kanyang pag-ibig at pagpapatawad. Pinatatawad tayo ng Diyos lagi; sana ay maibahagi din natin ang pagpapatawad na ito sa iba—just pass it on.
Nawa'y maalala natin na ang pagpapatawad ay isa sa pinakamataas na anyo ng pag-ibig. Piliin nawa ng ating mga puso ang habag kaysa sa galit, at ang pagpapatawad kaysa sa hinanakit. Isang pinagpala at puspos ng biyayang Linggo sa lahat!