Skip to content
Back to Songs and Prayers

Isang panalangin sa Panginoong Hesukristo, sa tulong ni Mahal na Poong Jesus Nazareno, ng Birhen ng Santo Rosario, at ni San Jose, para sa paglago ng mga bokasyon sa pagpapari at buhay-relihiyoso dito sa Bataan.

Panalangin para sa mga Bokasyon

Panginoong Hesukristo, nag-uumapaw sa Iyong puso ang awa at grasya.

Ibuhos Mo sa Iyong Simbahan ang Espiritung masagana Mong ipinagkaloob sa Iyong mga alagad.

Ipagkaloob Mo sa aming kabataan ang kabutihang-loob na kailangan upang tugunin ang Iyong tawag, at ang tatag ng loob upang mapagtagumpayan ang lahat ng hamon sa kanilang bokasyon.

Ibigay Mo sa mga magulang ang pananampalataya, pag-ibig, at diwa ng pagbibigay na mag-uudyok sa kanila na ialay ang kanilang mga anak sa paglilingkod sa Diyos at magalak kung ang kanilang anak ay tinatawag sa pagpapari o buhay-relihiyoso.

Mahal na Poong Jesus Nazareno, Mabuting Pastol, nawa'y ang sigasig para sa Iyong kaluwalhatian at para sa kaligtasan ng sanlibutan ay mag-alab sa Iyong mga hinirang na lingkod dito sa Bataan.

Nawa'y maging bayani at banal sila ayon sa Iyong wangis. Palakasin nawa sila ng Iyong Banal na Espiritu.

Nawa'y maging mga pari at relihiyoso sila ayon sa Iyong kamahal-mahalang puso!

Amen.

Mahal na Birhen ng Santo Rosario at Mabunying San Jose,

tulungan ninyo kaming manalangin para sa ikalalago ng mga bokasyon dito sa Bataan.

Amen.